Itinanghal na kampeon ang mga mag-aaral ng University of the Philippines-Diliman sa ginanap na World Eco-Concrete Competition ng American Concrete Institute na ginanap sa Quebec, Canada.

Sa ulat ni Saleema Refran ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing kasingtibay ng tradisiyonal na semento pero mas mapangalaga sa kalikasan ang naimbentong semento ng mga pambato ng Pilipinas na binubuo nina Angelica Anne Munar, Paulo Santos, Alexis Declaro, at Ryan Christopher Ramelo.

Nahigitan ng grupo ng UP civil engineering students ang iba pang mga estudyante na mula sa 20 unibersidad sa iba't ibang panig ng mundo.

"We have this existing conventional concrete. So, ang gagawin natin, gagawa tayo ng isang alternative sa concrete na ito using recyclable materials," sabi ni Munar.
Bukod sa graba, buhangin at semento, binubuo ang eco concrete ng bubog, abo mula coal power plant at "Diliman tuff," isang uri ng bato dito sa Pilipinas.

"'Yung environmental performance n'ya ay na-improve din namin. Nabawasan namin siya ng co2 emissions na alam natin na nakaka-affect sa climate change ngayon," ayon kay Declaro.

Tuwang-tuwa naman UP community lalo na ang mga coach na sina Engineer Justin Jesse Seranilla at Engineer Christian Corozco sa nakamit na tagumpay ng kanilang mga estudyante.

"Ibig sabihin, kaya nating mag-produce ng technology na aside from being environmentally friendly maganda 'yung quality ng strength. Napakita natin na 'yung talento talaga ng pilipino ay world class," pahayag ni Seranilla.

Sumasailalim na sa proseso ng patenting ang Pinoy eco concrete at pasado sa compressive strength test.-- FRJ, GMA News