Inihatid ng isang pulis sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources sa Iligan City ang dalawang inakay na agila na napasakamay niya matapos umano itong bilhin ng kaibigang inakala raw na mga manok.

Ayon kay Police Staff Sergeant Conrad Waperi III, binili ng kanyang kaibigan mula sa isang naglalakong lalaki ang mga inakay na inakala niyang mga manok na panabong.

 

Ang inakay na serpent eagle ay naibenta umano ng P5,000. Merlyn Manos

 

Kahit may kamahalan, binili raw ang mga ito ng kanyang kaibigan dahil sa awa na baka mamatay ang mga ito. Galing umano ang mga agila sa Initao, Misamis Oriental.

Ang serpent eagle ay ibinenta ng P5,000 habang ang hawk eagle naman ay naibenta raw ng P8,000.

 

Ang hawk eagle (agila) ay ibinenta umano sa halagang P8,000. Merlyn Manos

 

"'Yung pagkakuha raw noon, tinitirador ang parent ng eagle, tapos inakyat ng bata 'yung pugad bago kinuha 'yung sisiw," sabi ni Wapiri.

Gustong imbestigahan ng DENR ang nakabili upang maituro nito ang lalaking nagbenta.

Balak nilang kasuhan ang nagbenta ng paglabag sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

“'Yung wildlife 'di mo puwedeng ibenta o alagaan ng walang Certificate of Wildlife Registration (CWR) mula sa DENR,” sabi ni Wildlife Department chief Aisah Pacote.

Pansamantalang paaalagaan ng DENR ang mga inakay sa isang CWR holder sa Iligan at ibabalik din sa gubat kapag malalaki na ang mga ito. â€”KG, GMA News