Isang magsasaka ang nasawi nang maubusan umano ng dugo matapos siyang kagatin sa puwetan at paa ng alaga niyang baboy sa Odiongan, Romblon.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Tanny Baladjay.

Kuwento ng pamangkin ng biktima na si Jondel Baladjay, nag-iigib sa poso na nasa loob ng kural ng baboy ang kaniyang tiyuhin nitong Lunes nang biglang magwala ang baboy.

Napaatras ang biktima pero natumba at doon na siya kinagat ng hayop sa kaniyang puwetan at paa.

"Narinig ko sila na tinatawag 'yung pangalan ni tatay. Kaya nagulat ako, tumayo ako du'n sa kinatatayuan ko, nakita ko si tatay na nakaupo sa may puno ng niyog tapos pagtayo niya madami nang dugo na lumalabas sa paa niya," ayon kay Jondel.

Naubusan umano ng dugo at nasawi ang biktima habang dinadala sa ospital.

Napatay naman ang baboy matapos pagtatagain ng mga kapitbahay para hindi na makasakit pa ng iba.

Wala pang linaw kung bakit biglang nagwala ang baboy.-- FRJ, GMA News