Inilabas ng Las Vegas Metropolitan Police Department ang video sa ginawang pagtulak ng isang babae sa isang matandang lalaki palabas ng bus sa Las Vegas, Nevada sa Amerika.

Sa video na kuha sa loob ng isang bus sa Las Vegas, makikita na tila nagtatalo ang biktima at ang suspek.

Pero nang pababa na ng bus ang biktima, malakas siyang itinulak ng babae.

Sumubsob ang matanda sa semento at tumama ang mukha.

Pero bago pa man ang insidente, nakunan din ng video ang babae na tila galit na nagsasalita sa ibang pasahero.

Sa ulat ng News3lv.com, sinabi umano ng testigo na bago ang pagtulak, sinabihan ng matandang lalaki ang babaeng suspek na makitungo nang maayos sa ibang pasahero.

Pumanaw ang biktima ilang araw matapos maratay sa ospital.

Naaresto naman ang babae at nahaharap sa kaukulang kaso.-- FRJ, GMA News