Nakagawian na ng asong si Buboy na magpunta sa faculty room ng Mabalacat City College sa Pampanga upang puntahan ang kaibigan niyang propesor na nakakalaro at nagpapakain sa kaniya. Pero isang araw, matiyagang naghintay si Buboy sa labas ng opisina pero hindi niya alam na pumanaw na ang kaniyang kaibigang propesor.

Ayon kay Kristina Paola Demafelix, isang kawani sa eskuwelahan, matagal na raw nakadikit si Buboy ang propesor na si Carmelo Marcelo, na laging nagbibigay sa aso ng pagkain.

Madalas daw makikitang nakaabang si Buboy sa labas ng faculty room at pati na rin classroom habang nagkaklase ang propesor na biglang pumanaw dahil sa stroke.

Dahil lagi pa ring nag-aabang ang aso sa labas ng opisina ng paaralan, nagpasiya raw si Paola na dalhin si Buboy sa burol ni Sir Marcelo para kahit papaano ay makapagpaalam ang aso sa kanyang best friend.

Hindi napigilan ng ilang netizen na maantig ang damdaman nang makita ang larawan ni Buboy na pinagmamasdan ang mga labi ng kaniyang kaibigang propesor.

Ayon kay Paola, patuloy pa rin nilang aalagaan si Buboy at magiging tahanan pa rin ng aso ang paaralan na pareho raw nilang minahal ni Sir Marcelo. -- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News