Hindi inakala ng isang Filipino-Canadian na nagkakahalaga ng P4 bilyon ang kakaibang perlas na ipinamana sa kaniya.



Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing may bigat na mahigit 27 kilo ang perlas na tinatawag na "giga pearl," na namana ni Abraham Reyes.

Kuwento niya, 1959 nang mabili ng kaniyang lolo ang perlas sa isang mangingisda sa Camiguin, na iniregalo sa kaniyang tiyahin, at ipinamana naman sa kaniya.

"Kasi naka-attach pa siya sa shells so ang alam nila is these kind of clams hindi siya usually nagpo-produce, parang abnormality lang. It looks unique," saad niya.

Sa loob ng mahabang panahon, hindi raw alam ng pamilya ni Reyes kung ano talaga ang nabili ng kanilang lolo.

Dahil sa kaniyang kutob na isa itong espesyal na perlas, dinala ito ni Reyes sa Gemological Institute of America o GIA sa New York para maipasuri.

"They told me that I had the largest natural blister in that classification. It's a blister pearl in the world currently tested," ayon kay Reyes.

Ang blister pearl ay perlas na tumubo mismo sa shell sa halip na sa laman ng oyster.

Nang dalhin umano niya ito sa iba't ibang auction house, nalaman niyang nagkahahalaga ito ng $60 hanggang $90 milyon, o aabot sa mahigit P4 bilyon.

Ibinase raw ang presyo nito sa Pearl of Allah o Pearl of Lao Tzu, na isa ring higanteng perlas na natagpuan sa Palawan noong 1939 na bilyong piso rin ang halaga.

Wala pang plano sa ngayon si Reyes na ibenta ang kaniyang perlas dahil gusto raw muna niyang ibahagi sa mundo, lalo na sa Pilipinas at sa probinsya ng Camiguin. -- FRJ, GMA News