Pasakit ang idinulot ng napakaraming langaw sa Brgy. Olay Buaya sa Gerona, Tarlac, na bukod sa nakakapasok sa mga bahay ay dumadapo pa sa mga pagkain at nagdudulot ng sakit. Ang pinagmulan umano ng mga ito, ang mga katabing poultry farm sa kanilang lugar.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, makikita ang isang batya na halos mapuno na ng mga patay na langaw na naipon ng mga residente ng nasabing barangay.

Ang mga litrato ay kuha ni Noralyn Inocencio, isang residente at Barangay Health Officer.

Halos mangitim na pati ang mga flypaper sa dami ng langaw na dumadapo sa kanilang lamesa.

Araw-araw ding nagwawalis ang mga residente ng patay na langaw sa kanilang mga sahig.

Sinabing dumadapo ang mga insektong ito sa dumi ng hayop saka tumutuntong sa pagkain ng tao.

"Sobra pong marami, sir. Dalawang linggo na po halos. Hindi na po kami halos makakain. Nagkukulambo na po kami minsan. Minsan po nasa kwarto. 'Yung apo ko nagkakasakit na," sabi pa ni Inocencio.

Marami pa ring langaw sa tahanan ng mga Inocencio kahit pa buong umaga na silang naglagay ng flypaper at lason.

Pinepeste rin ng mga langaw ang kaniyang mga kapitbahay.

Ayon naman sa may-ari ng poultry, handa silang tumulong at patuloy ang kanilang ugnayan sa mga opisyal ng barangay.

Pinaiigting na rin ang pagsugpo ng pagdami ng langaw sa pamamagitan ng karagdagang gamot.

"Nagbibigay po sila sir pero hindi naman po kaya... Sa susunod kung ganito pa rin po, gagawa na po kami ng aksyon, magpetisyon na po kami,” ayon kay Inocencio.

Nakarating na sa munisipyo ang problema ng langaw sa Olay Buaya at iba pang barangay sa Gerona.

Ayon sa mga awtoridad, dumarami ang mga langaw tuwing tag-ulan at pansin na kumakalat sa komunidad kapag harvest ng mga manok sa katapusan ng 45-day cycle.

"Ang ginagawa namin, ini-inspection namin tapos titingnan na kung talagang lumalabas 'yung mga langaw. May ginagamit na pamatay ng langaw, 'yun ang recomendation ng MENRO," sabi ni Roy Paduit, MENRO Staff Officer, Gernona, Tarlac.

Binawian na ng permit ang ilang poultry dahil sa hindi paglagay ng gamot kontra sa mga peste.

Sa Asingan, Pangasinan, ilang barangay din ang piniperwisyo ng langaw na sinasabing galing sa mga manukan.



--Jamil Santos/FRJ, GMA News