Isang guro sa Malabon ang kinabibiliban dahil sa kakaiba niyang pakulo para salubungin ang kaniyang mga estudyanteng papasok sa klase.



Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing pinapapila muna ni teacher Girlie Laguerta Dela Cruz ang kaniyang mga estudyante bago sila isa-isang papasukin sa silid-aralan.

Pero bago sila pumasok, pipili muna sila sa nakalagay na sign board na nasa gilid ng pinto kung anong paraan ng pagbati ang nais nilang gawin sa kanila ng guro.

Maaaring pumili ang mga estudyante ng yakap, high-five, hand shake o fist bump.

Ayon kay teacher Girlie, napanood lang niya sa ibang guro sa ibang bansa ang naturang paraan ng pagbati na kaniyang ginaya para naman sa kaniyang mga estudyante.

Sabi pa niya, epektibo naman ang naturang paraan ng pagbati dahil nakikita niyang masaya rin ang mga bata.--FRJ, GMA News