Nahuli-cam ang panloloob ng isang lalaki sa isang bahay sa Camarines Sur. Sa video, makikita ang kawatan na nagkumahulog sa pagsibat sa bintana nang mahulog ang binuksan niyang drawer.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, makikita sa video na mala-ninja na pagkilos ng kawatan na may takip sa mukha nang pumasok sa bahay sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana.

Kalkulado at dahan-dahan ang kaniyang mga galaw.

Kahit may takip na siya sa mukha, naglagay pa siya ng pangtalukbong sa ulo nang makita niyang may CCTV sa bahay.

Pero napabilis ang pag-alis ng lalaki nang mahulog niya ang drawer na kaniyang binuksan. Natangay nila ang dalawang relo at isang cellphone.

Sa follow-up operation ng mga awtoridad, nahuli ang suspek na nakilalang si Noel Camposano, na dati na rin palang nahuli sa kasong pagnanakaw din.

Nakilala si Camposano nang makita sa CCTV ang kaniyang tattoo sa likod.

Nabawi rin ng mga awtoridad ang mga gamit na kaniyang tinangay.--FRJ, GMA News