Humingi ng paumanhin ang Canadian airline company na Air Canada matapos maiwan sa eroplano ang isang babaeng pasahero na nakatulog at nagising na lamang na sobrang dilim na loob dahil nakaparada na ang sasakyan.

Ayon sa ulat ng Agence France-Presse, ibinahagi ng isang kaibigan sa pamamagitan ng social media post ang nangyari kay Tiffani Adams nang sumakay siya sa Air Canada.

Umani ng mga reaksyon ang naturang post at hiniling ng netizens sa airline na magbigay ng mga karagdagang detalye.


Saad sa post, nanggaling si Adams sa Quebec at patungo sa Toronto Pearson International Airport nang makatulog agad nang lumipad na ang eroplano.

Nang magising siya, madilim na sa loob ng eroplano at bakante na ang lahat ng mga upuan.

"I think I'm having a bad dream (because) like seriously how is this happening," saad ni Adams, ayon sa ulat.

Dahil dito, tumawag siya sa isang kaibigan ngunit natigil din agad dahil naubos na ang baterya ng cellphone.

"I'm trying to focus on my breathing and control my panic attack while I attempt to charge my phone by plugging into every USB port I could find," kuwento ni Adams, ngunit hindi rin ito nakatulong dahil wala nang kuryente sa eroplano.

Matapos makahanap ng magagamit na ilaw mula sa cockpit ng eroplano, nabuksan niya ang isa sa mga pinto nito. Pero laking gulat niya nang makita niya kung gaano kataas ang kaniyang kinalalagyan na nasa 50 feet.

Ginamit niya ang pampailaw para makuha ang atensyon ng isang luggage cart driver.

"He is in shock, asking how the heck they left me on the plane," sabi ni Adams. "I'm wondering the same."

Sinabi ni Adams na humingi na ng paumanhin ang Air Canada pero hindi pa raw siya nakatutulog nang maayos dahil sa naging karanasan niya sa eroplano.

Sinabi ng Air Canda sa CTV News na iniimbestigahan na nila ang insidente, ngunit hindi na nagbigay ng karagdagan pang detalye. — Jamil Santos/RSJ/FRJ, GMA News