Isang tilapia na may bigat na tatlong kilo ang nahuli umano sa Estero de San Miguel sa Maynila na dating marumi ang tubig.

Ayon sa Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC), ang tilapia na may haba umanong 20.5 pulgada, ay nahuli ng tinatawag nilang "river warriors" nitong Huwebes ng umaga.

"Tunay ngang nakikita na natin ang positibong pagbabago ng ating mga ilog dahil sa pagtutulungan natin na buhayin at pangalagaan ang mga ito," ayon sa pahayag ng PRRC sa Facebook post.

"Ipagpatuloy natin ang mga mabubuting gawain na ito at tiyak na bibiyayaan tayo ng ating kalikasan," dagdag nito.

Ang PRRC ang namamahala sa paglilinis sa Estero de San Miguel. —FRJ, GMA News