Nabisto ang isang senior citizen sa Ipil, Zamboanga Sibugay na nagpanggap na na-kidnap at humingi ng ransom mula sa sarili niyang pamilya, ayon sa ulat ng Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Kinilala ang suspek na si Hadji Naguib Tan Puyung na iniba pa ang kanyang boses nang tawagan ang kanyang pamilya para hingan ng ransom.

Sinabihan sila ng suspek na ipadala ang ransom sa isang remittance center.

Lingid sa kanyang kaalaman, nagpatulong pala sa mga pulis ang kaniyang pamilya para magkasa ng entrapment operation sa kukuha ng pera.

Laking gulat ng mga pulis nang si Puyung mismo ang nahuli nila sa operasyon.

Sinabi ng senior citizen na nagpanggap lang siya para raw malaman kung mahal ba talaga siya ng kaniyang pamilya. —Joviland Rita/KG, GMA News