Dahil sa mainit na balitaktakan na may kasamang hindi kanais-nais na amoy, nagpasya ang Speaker sa isang regional assembly sa Kenya na itigil pansamantala ang kanilang debate.

Sa online news na BBC.com, sinabing ayon sa local report, tungkol sa mga tindahan sa palengke ang pinagtatalunan ng mga mambabatas sa Homa Bay.

Ang mambabatas na si Julius Gaya umano ang tumawag sa atensyon ng kanilang Speaker para ipaalam na,"one of us has polluted the air and I know who it is." 

Pumiyok naman ang mambabatas na ipinapalagay na umutot para itanggi ang paratang.

Hindi raw niya iyon magagawa sa harap ng kaniyang mga kasamahan.

Para mapahupa ang anumang mayroon sa loob ng kapulungan, inatasan ni Speaker Edwin Kakach ang kaniyang mga kapwa mambabatas na lumabas muna at magpahangin.

Iniutos din daw nito na maglagay ng mga air freshener sa kapulungan para sa maging kaaya-aya ang amoy sa loob.

"We cannot continue sitting in an environment that smells bad," saad daw ng lider.

Humupa naman daw ang nakakatensyong amoy at natuloy din ang kanilang balitaktakan.--FRJ, GMA News