Sakit ng ulo ng mga turista sa isang pasyalan sa tabi ng dagat sa isang bayan sa Britanya ang mga seagull na nangunguha ng pagkain. Kaya pinag-aralan ng ilang dalubhasa ang asal ng mga ibon at mayroon silang natuklasan na maaaring panlaban sa mga ito nang hindi kailangan bugawin at saktan— ito ay sa pamamagitan lang ng tingin.

Sa ulat ng Reuters, sinabing laging nagpapaalala ang mga awtoridad sa mga turista na huwag bibigyan ng pagkain ang mga seagull para matigil ang pangunguha nila ng pagkain sa ibang turista.

May ilang insidente kasi na sadyang kinukuha ng mga ibon ang mga pagkain na nasa harap o kahit hawak ng mga turista.

Pero sa isinagawang pag-aaral ng mga dalubhasa sa University of Exeter, nakita nila na naaapektuhan ng pagtitig ng tao ang pagkilos ng mga ibon.

Sa kanilang eksperimento kung saan ilang seagull ang pinainan nila ng pagkain at tinitigan, lumitaw na mayroong mga ibon na umalis na lang at mayroon tumagal ang pagkilos bago tangkaing kunin ang pagkain.

“Gulls are often seen as aggressive and willing to take food from humans, so it was interesting to find that most wouldn’t even come near during our tests,” sabi ni Madeleine Goumas, ng Center for Ecology and Conservation at Exeter’s Penryn Campus sa Cornwall.

Tinangka nilang suriin ang 74 seagull pero karamihan ay lumipad palayo. Mayroong 27 lumapit sa pagkain at 19 ang nakumpleto ang pag-aaral na tinitigan at hindi tinitigan ang ibon.

“Of those that did approach, most took longer when they were being watched,” sabi ni Goumas. “Some wouldn’t even touch the food at all, although others didn’t seem to notice that a human was staring at them.”--Reuters/FRJ, GMA News