Mistulang celebrity ngayon sa Rochefort, France ang tandang na si "Maurice," dahil inaabangan ng mga tao ang magiging hatol ng korte kung may karapatan ba siyang mag-ingay, o dapat nang patahimikin.

 


Umabot sa korte ang pagiging maingay umano ng tandang nang magreklamo ang isang retiradong mag-asawa sa isla ng Oleron.

Paliwanag sa korte nitong Hulyo ni Corinne Fesseau, mag-ari ng manok, wala namang ibang nagrereklamo sa pagiging maingay ni Maurice, maliban sa mag-asawa.

Pero giit ng abogado ng mag-asawa na si Vincent Huberdeau, hindi dapat maging isyu ng city-versus-countryside ang reklamo dahil nakatira ang kaniyang mga kliyente sa lugar ng mga kabahayan at may 7,000 populasyon.

"It's not the countryside," pagdiin niya.

Dahil sa kaso ni Maurice, nagkakaroon ng debate tungkol sa mga taga-lunsod na tumitira sa kanayunan na hindi umano sanay sa ingay ng mga hayop.

Nasa 140,000 katao ang pumirma sa "Save Maurice" petition, at may mga nagsuot pa ng t-shirt na may larawan ng tandang at may nakasulat na "Let Me Sing."

"This is the height of intolerance -- you have to accept local traditions," sabi sa AFP ni Christophe Sueur, alkalde ng Fesseau's village sa Saint-Pierre-d'Oleron.

Kapag nagpasya ang hukom laban sa tandang, mayroong 15 araw si Fesseau kung lilipat siya ng lugar, patatahimikin ang alaga, o mahaharap sa mabigat na multa.

Sa ngayon, gumagawa raw ng paraan si Fesseau kung papaano mapapatahimik si Maurice sa mga oras na hindi pa siya dapat mag-ingay. Kabilang sa ginagawa niya ay paglalagay ng itim na tela sa lalagyan ng tandang para isipin ng manok na hindi pa umaga pero hindi umano umuubra.

Hindi umano ito ang unang pagkakataon na may mga nagrereklamo tungkol sa ingay na nililikha ng mga hayop sa kanayunan.

Kamakailan lang, isang babae sa Landes na may mga alagang pato ang inihabla ng isang bagong lipat sa kanilang lugar dahil din umano ingay ng mga hayop.

"More and more people are heading to rural areas, not to work in agriculture but to live there," sabi ni Jean-Louis Yengue,  geographer sa University of Poitiers.

"Everyone is trying to defend their territory," dagdag niya. —Agence France-Presse/FRJ, GMA News