Tuloy ang ligaya ng instant celebrity na tandang na si  "Maurice" matapos kilalanin ng korte sa France ang karapatan niyang mag-ingay.

Una rito, nakarating sa korte ang usapin sa maagang pag-iingay ng manok nang magreklamo ang mag-asawang bagong lipat sa tabi ng bahay ng may-ari kay Maurice na si Corinne Fessaeu.

Mula nang magreklamo ang mag-asawa, gumawa na raw ng paraan si Fessaeu kung papaano mapapatahimik ang kaniyang tandang. Kabilang dito ang paglalagay ng itim na tela sa kulungan nito para kunwaring gabi pa. Gayunman, hindi ito umuubra kay Maurice.

Sa korte, iginiit ni Fesseau na bago pa man dumating sa kanilang lugar ang mag-asawa, wala naman siyang ibang kapitbahay na nagrereklamo sa pag-iingay ni Maurice sa umaga.

Sa ulat ng Agence France-Presse,  sinabi ng abogado ni Fesseau, na inutusan din ng korte ang mag-asawa na magbayad ng 1,000 euros bilang danyos.

Nagiging isyu umano sa ilang lugar sa France ang pagrereklamo ng ilang taga-lungsod na lumilipat at naninirahan sa kanayunan dahil sa ingay ng ilang hayop.

"I'm speechless," sabi ni Fesseau. "It's a victory for everyone in the same situation as me. I hope it will set a precedent for them."

Nang maibalita ang kaso ni Maurice, nagkaroon ng petisyon na "Save Maurice" at may mga gumawa ng t-shirt na may larawan niya at nakasulat na "Let Me Sing." -- AFP/FRJ, GMA News