Dahil nagiging sukatan sa social media ang dami ng likes at engagement sa mga post, pinag-aaralan umano ngayon ng Facebook na itago at 'wag nang ipakita ang likes sa post para makabawas daw sa pressure na nakukuha ng mga nagpo-post sa social media.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing may ibang nagpo-post ang hindi maiwasang maapektuhan kapag hindi tumatabo ng "likes" at kaniyang inilagay sa social media.

Ang college student na FB at Instagram user na si Patricia Pobre, aminadong naapektuhan kapag hindi napapansin ang kaniyang post.

"Siyempre nandun po yung...hindi ba siya active? Or is it yung suot ko malaswa ba, pangit ba? May ganun po talagang thought. Mapapa- question ka sa popularity mo between peers, sa circle of friends mo. It kinda affects you nga," saad niya.

Paliwanag ng isang eksperto, ang pagkahumaling sa mga "like" sa post ay natural na reaksyon daw ng utak sa isang masarap na pakiramdam kaya hindi hinahanap-hanap ito.

"Yun yung nakaka-adik. Kasi its like that high feeling you know that happy feeling. So nakukuha nila with number of likes they get so halimbawa in real life you're not getting that affirmation or that acceptance you long for, halimbawa sa friends mo or sa family mo. pero you get that escape from the internet so get that with your Facebook," paliwanag ng psychiatrist na si Dra. Kathyrn Natalie Tan.

Ayon naman kay Dr. Danilo Arao, propesor ng online journalism sa UP College of Mass Communications, hindi maikakaila ang epekto ng social media sa pananaw ng isang tao sa kaniyang sarili.

"Kapag masyado kang maraming oras na ginugugol sa social media parang ito na ang nagiging angkla ng buhay mo. Ibig sabihin parang nag-a-adjust ang real life mo doon sa iyong digital persona which is dangerous. Kasi parang ang paggampan mo sa iyong tungkulin sa tunay na buhay ay nakadepende sa kung ano ang magiging projection mo sa social media," ayon kay Arao.

Batid umano Facebook, na siya ring may-ari ng Instagram, ang epektong ito sa kanilang mga user kaya pinag-aaralan nila ngayon na itago at huwag nang ibandera ang mga likes sa isang post.

Inaasahan na makababawas ang naturang hakbang sa pressure ng mga nagpo-post at nang maituon din ang atensyon ng netizens sa content o nilalaman ng isang post.

Base sa social media statistics ng digital ngayon 2019 ng Hootsuite at We Are Social, 76 milyong Pilipino umano ang aktibo sa social media sa Pilipinas na nakababad ng apat na oras o higit pa kada araw. Karamihan daw sa mga ito ay nasa Facebook.--FRJ, GMA News