Naging usap-usapan online kamakailan si Basel, o mas kilala sa kaniyang "The Hungry Syrian Wanderer" vlog, nang bigyan niya ng bahay ang empleyado niyang dating OFW. Ano nga ba ang kuwento sa likod ng Syrian national at bakit labis na napamahal sa kaniyang ang Pilipinas at mga Pinoy?

Sa programang "Stand For Truth" ng GMA Public Affairs, ikinuwento ni Basel na maganda ang buhay ng kaniyang pamilya noon sa Syria. Pero sa isang iglap, nagbago ang lahat nang magkagiyera sa kanilang bansa noong Marso 2011.
Dahil sa kaguluhan, nasira ang kanilang siyudad at kailangan nilang lumisan at naiwan ang lahat ng kanilang mga ari-arian.

Naghiwa-hiwalay din sila ng kaniyang pamilya, at nagdesisyon ang kaniyang mga magulang na ipadala siya sa Pilipinas.

Bagaman naging mahirap para sa kaniya ang unang mga buwan bilang mag-isa sa Pilipinas, kinalaunan ay natuto rin siyang mag-English at Tagalog, magluto, at maka-graduate sa kursong Engineering.

Dahil sa pagkupkop sa kaniya ng Pilipinas, ngayon, isa na siyang "Pinoy at heart" at sinusuklian niya ang pagmamahal na kaniyang natanggap sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangang Pinoy.  Tunghayan ang buo niyang kuwento sa video na ito:



Click here for more Stand For Truth videos:

--Jamil Santos/FRJ, GMA News