Nitong nakaraang Sabado ng gabi, naiskandalo ang maraming motoristang dumadaan sa isang highway sa Auburn Hills, Michigan nang makita nila sa isang billboard ang malaswang palabas.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na dalawang lalaki ang nakitang  pumasok sa kinaroroonan ng computer ng billboard para i-hack ito at maipalabas ang porn video, ayon sa online news WXYZ.

Sa kuha ng CCTV,  makikita na may takip ang mukha at at naka-hoodie ng dalawang suspek. Pero kapansin-pansin na pareho silang may salamin sa mata.

 

 

Itinulak pa ng isa ang CCTV sa lugar palayo ang anggulo sa kanila.

Pagkaraan ng 15 minuto, kaagad na tinanggal ng kompanyang namamahala sa billboard na nasa I-75 ang porn video nang malaman nila ang tungkol dito.

Nadiskubre ng mga pulis na may ipinapalabas na malaswa sa billboard nang may motorista ang tumawag sa kanila.

Bukod sa inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawa, sinisiyasat din nila kung bakit alam ng mga ito na may computer sa lugar kahit nakatago ito at may bakod.

Dahil sa kuha ng CCTV na sadya nilang pinasok ang kinalalagyan ng computer, mas mabigat na kaso ang posibleng kaharapin ng mga suspek sa halip na simpleng kabulastugan lang.

READ: Motorists, pedestrians catch porn amid Makati City traffic

Matatandaan na noong Marso 2018, may porno clip din na naipalabas sa isang billboard sa Makati matapos umanong ma-hack ang sistema nito. --FRJ, GMA News