Madadagdagan ang trabaho ng mga aso ng K-9 unit ng Philippine Coast Guard sa Cebu sa gitna ng paglaganap ng African Swine Fever (ASF).  Ang mga aso, tuturuan na rin ng "pork sniffing" technique.

Sa ulat ng "Balitanghali," sinabing hindi lamang bomb, shabu, at human survivor sniffing ang gagawin ng mga aso, kundi pati na rin ang pag-amoy sa mga karneng baboy na kontiminado ng ASF na dinadala sa Visayas mula sa mga apektadong lugar sa Luzon.

Ayon kay Michael John Encina, spokesman ng Philippine Coast Guard-Central Visayas, "Walang detecting capability ang task force ASF dito sa atin. So dapat i-fill natin 'yong gap. That’s why we created on August 1, 2019 nag-start  na po yong training ni Poochie. This is the first nationwide na nagkaroon tayo ng isang pork sniffing dog, si Potchie."

Sa tulong umano ng Golden Retriever na si Porky Poochie (pino-pronounce na Potchi), layong pigilan ang pagkalat ng ASF sa Cebu.

Nais umano nilang agapan ang tulad sa nangyari sa Pangasinan kung saan ang ilang baboy na dumaan sa animal quarantine checkpoint ay nagpositibo sa ASF.

Paglilinaw ni Encina, "'Yung aso scientifically has 20,000 times olfactory nerves kesa sa humans. Meaning, 20,000 times din yung capability nila. Yung training po  ini-imprint po 'yung pinaka-amoy ng isang item sa aso, paulit-ulit. So this is a series and strenuous training din po."

Dagdag ni Encina, sakaling magtagympay ang training maaaring na ring i-deploy ang mga aso sa ibang bahagi ng bansa. —LBG, GMA News