Hulicam ang pagnanakaw ng itlog na pula ng isang lalaki sa Marikina City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang isang lalaking bumili ng softdrinks sa tindahan, pero hindi lang pala 'yun ang kanyang pakay.

Tuwing tatalikod ang tindera ay dadampot siya ng naka-display na itlog na pula at ilalagay ito sa kanyang bag.

Paulit-ulit niya itong ginawa hanggang sa matangay niya ang 11 itlog.

Huli na raw nang mapansin ng tindera na kulang na ang kaniyang paninda.

Hindi na raw nagsampa ng reklamo ang tindera pero umaasa siyang magsisilbing babala ang CCTV video. —KBK, GMA News