Dahil sa kakaibang amoy mula sa makina habang bumibiyahe, laking gulat ng isang mag-asawa sa Pennsylvania, USA nang madiskubre nila ang mga tuyong damo at mga walnut na inipon ng mga squirrel sa makina ng kanilang sasakyan.

 



Sa ulat ng Reuters, sinabi ni Holly Persic na papunta siya sa isang library sa Allegheny County sa Pennsylvania nang mapansin niya na may kakaiba sa kaniyang sasakyan.

“My wife called me from Northland Library and said that her car smelt like it was burning, and was making a weird sound,” sabi ni Chris Persic sa Facebook post na naging viral.

Nang buksan ni Holly ang hood ng kaniyang sasakyan, doon na tumambad ang mga damo at walnut na nasa ibabaw ng makina.

Hinala nila, inipon ang mga squirrel ang mga damo at mga walnut noong weekend habang nakaparada ang sasakyan.

Ayon kay Chris, ilang oras ang kaniyang ginugol para linisin ang makina na mayroon umanong mahigit 200 walnut at mga damo.

 

(Larawan: Chris and Holly Persic via REUTERS)

Nagawa namang daanin sa biro ng mag-asawa ang nangyari sa kanilang sasakyan.

“There’s definitely an angry squirrel wife right now wondering where all the nuts went,” sabi ni Chris.-- Reuters/FRJ, GMA News