Laking gulat ng isang lalaking naghuhukay ng libingan para sa namatay niyang anak nang may madinig siyang iyak ng isang sanggol na inilibing naman nang buhay sa India.

Sa ulat ng Agence-France-Presse base sa imbestigasyon ng pulisya ng Uttar Pradesh,  naghuhukay umano ang lalaki ng paglilibingan ng namatay niyang sanggol nang may tamaan siya na tila malaking palayok.

Dito na niya nadinig ang iyak ng sanggol na nasa loob ng sisidlan.

Kaagad niya itong kinuha at humingi ng tulong.

Dinala sa ospital at inilagay sa ventilator ang sanggol na babae na tinatayang ilang araw pa lang na isinisilang.

Patuloy na inaalam kung sino ang naglibing nang buhay sa sanggol.--AFP/FRJ, GMA News