Isang cute na batang asong gala ang nasagip kamakailan sa Victoria, Australian. Pero laking gulat ng mga nag-aalaga sa kaniya nang lumitaw ang DNA test sa aso at makumpirmang hindi siya ordinaryong aso lang.

Sa ulat ng Reuters, sinabing nakita ang aso sa labas ng isang bahay sa Wandiligong.  Dahil inakalang inabandona ang aso, kinuha siya para sagipin at pinangalanang "Wandi."

Pero nang lumabas ang resulta ng kaniyang DNA test, natuklasan na isa palang purebred dingo si Wandi, isang pambihirang lahi ng "wild dog." 

“He is going to be a very valuable little thing, depending on his eventual development, and the way he continues to get along with everybody else in the sanctuary,” sabi ni Lyn Watson, director ng Australian Dingo Foundation.

Sabi ni Watson sa Australian Broadcasting Corporation, ang lahi ni Wandi  ay alpine dingo, na vulnerable to extinction na dahil sa inbreeding, hunting at eradication program ng gobyerno.

Plano ng foundation na gamitin si Wandi sa kanilang breeding program.

Sa ngayon, hindi pa malaman kung saan nanggaling si Wandi at kung papaano siya napunta sa lugar kung saan siya natagpuan.-- Reuters/FRJ, GMA News