Laking malas ng isang manok na nakapasok sa football field sa Zelengrad, Croatia nang habulin siya ng isang player at sipain na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Sa video na lumabas sa social media, makikita ang nasa apat na manok na kumakaripas ng takbo palayo sa humahabol sa kanilang football player na si Ivan Gazdek.

Isa sa mga manok ang inabutan ni Gazdek at kaniyang sinipa. Pagkatapos ay dinampot niya ang hayop at saka ibinato palabas ng bakod.

Makikita pa sa video na nagliparan ang balahibo ng kawawang manok nang ibato ni Gazdek.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing binigyan ng "red-card" ng referee si Gazdek dahil sa "unsporting behavior."

Pero posibleng hindi pa matapos ang problema ng manlalaro dahil nais ng isang animal rights group na kasuhan siya dahil sa pagpatay sa manok.

Inilarawan ng Animal Friends ang ginawa ng manlalaro na, "shameful act and cowardly behaviour of the player against an innocent animal who died with crushed bones and in pain."

Kapag itinuloy ng grupo ang demanda at hatulan ng korte na guilty si Gazdek, maaari siyang makulong ng isang taon.

Paliwanag naman ni Gazdek, na nagpakilalang isang animal lover, hindi niya sinasadyang mapatay ang manok.

"I ran towards the chickens to chase them away, swung my foot and accidentally killed one," paliwanag niya.

Sa isa pang pahayag, sinabi ng manlalaro na madalas na nakakapasok ang mga manok sa pitch na dahilan ng pagkaantala ng mga laro at dinudumihan pa ang lugar. -- AFP/FRJ, GMA News