Laking gulat ng isang 24-anyos na lalaki sa China nang malaman niya na ang sanhi ng pananakit ng kaniyang tainga ay mga ipis na may mga baby pa.

Ayon sa ulat sa online news na “Mirror.co.uk,” pumunta si Mr. Lv sa Sanhe Hospital sa Huiyang, South China dahil sa nararamdamang sakit sa kaniyang kanang tainga.

Inireklamo raw ng pasyente sa duktor na may nararamdaman din siyang gumagapang sa loob ng tainga.

Nang suriin na siya ng duktor, doon na nadiskubre ang mga ipis na nasa sampung piraso. Kinabibilangan ito ng isang malaking ipis na pinaniniwalaang ina ng mga maliliit na ipis..

Paliwanag umano ng pasyente sa isang opisyal ng ospital, nakasanayan na raw ni Mr. Lv ang mag-iwan ng mga bukas na pakete ng pagkain sa tabi ng kanyang kama.

Pinaalalahanan ng mga doktor ang publiko na panatiliing malinis lagi ang kanilang mga bahay.--Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News