Nahulog sa kakaibang modus ng hinihinalang kidnaper ang isang ina sa Bacolod City nang pumayag siyang magpa-hair treatment para matangay ang kaniyang anak nang walang kahirap-hirap.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Martes, sinabing nakuhanan ang inang si Mary Grace na naglalakad sa ospital kung saan niya nakilala ang babaeng suspek.

Tila sadya raw siyang pinuntirya ng suspek dahil nakitang may hitsura ang kaniyang anak.

Nagpakilala raw ang suspek na kaanak ng biktima kaya napanatag ang loob ng ginang.

Nang ayain si Mary Grace ng suspek na ililibre ng hair treatment sa isang salon, pumayag ang biktima.

Habang nagpapaayos ng buhok ang nanay, nagprisinta ang suspek na bantayan ang kaniyang anak.

Kasunod nito ay nagpaalam daw ang suspek na bibili ng pagkain bitbit ang sanggol pero hindi na siya bumalik, tangay ang bata.

Kasabay ng paghahanap sa suspek, nanawagan ang  mga pulis sa publiko na ipagbigay-alam sa kanila kung may makakakilala sa babaeng tumangay sa sanggol.--FRJ, GMA News