Paliit umano nang paliit ang mga ibon na nadokumentong namamatay dahil sa pagbangga nila sa mga gusali sa Chicago mula noong 1978 hanggang 2016.  Ang hinihinala ng mga mananaliksik na dahilan ng pagliit ng mga ibon, alamin.

Sa ulat ng Reuters, sinabing idinukomento ng mga mananaliksik ang mga nakukuhang ibon na bumabangga sa mga salamin ng nagtataasang gusali sa Chicago at saka babagsak at namamatay.

Sa inilabas na resulta ng pag-aaral nitong Miyerkules, lumitaw na umabot sa 70,716 ibon ang namatay dahil sa pagbangga nila sa mga gusali.  Ang mga ibon ay mula umano sa 52 species, na karamihan ay mga sparrow, warbler at thrush.

Kapansin-pansin umano na lumiit ang katawan ng mga ibon pero humaba naman ang kanilang mga pakpak.  Tinatayang 2.6 percent umano ang nabawas sa pangangatawan ng mga ibon, 2.4 percent ang iniliit ng kanilang leg bone, habang humaba ng 1.3 percent naman ang nadagdag sa kanilang mga pakpak.

Hinala ng mga nagsagawa ng pag-aaral na ang pagliit ng mga ibon ay may kinalaman sa patuloy na pag-init ng klima, batay na rin umano sa phenomenon na tinatawag na Bergmann’s rule.

Sa naturang phenomenon, lumiliit umano ang isang uri ng species sa mainit na rehiyon, habang mas malaki naman ang mga nasa rehiyon na malamig.

“In other words, climate change seems to be changing both the size and shape of these species,” sabi ng biologist na si Brian Weeks ng University of Michigan’s School for Environment and Sustainability, na pangunahing may-akda ng naturang pag-aaral na inilathala sa journal na Ecology Letters.

“Virtually everyone agrees that the climate is warming, but examples of just how that is affecting the natural world are only now coming to light,” dagdag naman ni Dave Willard, collections manager emeritus sa Field Museum sa Chicago na sumukat sa mga ibon.

Sabi pa ni Week, “As humans change the world at an unprecedented rate and scale, there are likely widespread and consistent biotic responses to environmental change.” -- Reuters/FRJ, GMA News