Inulan ng batikos ang isang theme park sa China matapos mag-viral ang ginawa nilang pag-bungee jump sa isang baboy. Ang masaklap pa, dinala rin daw sa katayan ang baboy matapos ang kaniyang pinagdaanan.

(Babala, sensitibo ang video)

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, makikita sa video ang baboy na nilagyan ng kapa at inihulog mula sa dalawandaang talampakang tore habang nakatali sa bungee cord.

Madidinig sa video na halos nakikipagsabayan ang ingay ng baboy habang tumitilapon sa ere at sa musika ng theme park.

Umani ng batikos mula sa mga netizen sa iba't-ibang panig ng mundo ang ginawa sa baboy na isang uri umano ng animal cruelty.

Ayon sa theme park staff, promotion daw nila ito para sa darating na lunar new year, o paggunita sa pagtatapos ng year of the pig at pagpasok ng year of the rat.

Humingi ng tawad ang pamunuan ng theme park  at sinabing hindi na nila uulitin ang ganitong klase ng aktibidad.

Kinondena rin ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang ginawa sa baboy na hindi raw nakakatawa.

“Nakaka-shock siya dahil yung kita mo yung terror ng pig. Yung iba siguro they might find it funny because may sick sense of entertainment sila. Pero we have to find other ways of entertaining ourselves without causing pain or suffering to animals,” ayon kay Anna Cabrera, executive director ng PAWS.

Hindi rin daw dahilan kung sasabihing kakainin o kakatayin din naman ang baboy sa huli kaya ginawa ang pagpapahirap sa hayop.

Panawagan ng PWAS sa publiko,  bagaman may mga tradisyong matagal ng ginagawa gaya ng paghuli sa mga biik at karera ng kalabaw, sana raw ay maisip na anumang klaseng hayop at sa anumang siywasyon, dapat tayo ay magpakatao. -- FRJ, GMA News