Kinaaliwan ng netizens ang naging reaksyon ng mga tuta na tila automatic na nakatulog matapos silang pupugin ng halik ng kanilang amo.

Sa video, isa-isang kinukuha ni uploader ng video na si Kim Mutuc Punzalan, ang mga one-month-old na mga tuta na sina Bacon, Primo, Skrrt, at Mimi, para halikan.

Pagkatapos niyang halikan, pahiga niya itong inilalapag at kapansin-pansin na hindi na sila gagalaw at tila masunuring natutulog na agad.

Ayon pa kay Kim, mga bata at hindi pa trained ang mga tuta kaya siya man ay nagulat sa kakatuwang reaksyon ng kaniyang mga alaga.

Pinusuan naman ng netizens ang kaniyang video na umano na ng libu-libong reactions sa social media.--FRJ, GMA News