Itinigil na ng isang opisyal sa Indonesia ang panawagan nito sa sinumang may kakayahan na tanggalin ang gulong ng motorsiklo sa leeg ng isang malaking buwaya kapalit ng pabuya.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi  ng awtoridad sa Palu, kapitolyo ng Central Sulawesi, walang kumagat sa kanilang panawagan na sagipin ang 13 talampakang buwaya na pinangangambahang unti-unting nasasakal dahil sa gulong.

Noong nakaraang buwan inanunsiyo ang panawagan pero hindi sinabi ng opisyal kung magkano ang iniaalok na pabuya.

READ: Pabuya, nakalaan sa taong makapag-aalis ng gulong sa leeg ng malaking buwaya sa Indonesia

Ayon sa pinuno ng Central Sulawesi Natural Resources Conservation Agency, sa kaniyang bulsa manggagaling ang pabuya. Pero hindi niya hinihikayat ang mga "amateur" hunter na sumali sa pagsagip sa buwaya.

Ilang taon na umanong sinisikap ng mga awtoridad na mahuli ang buwaya upang sagipin ito at matanggal ang gulong.  Minsan na raw nakuhanan ng video ang buwaya na nahihirapang huminga dahil nasasakal ng gulong.

Nagkaroon ng mga bali-balita na muling tatangkain ng popular TV personality na "Panji the Explorer," ang Indonesian version ng namayapang Australian "Crocodile Hunter" na si Steve Irwin, ang pagsagip sa buwaya.

Minsan na raw kasing binalak ni Panji the Explorer, na sagipin ang buwaya   dalawang taon na ang nakalilipas pero nabigo siya.

Dahil itinigil na ang panawagan at pagkakaloob ng pabuya, sinabi ng opisyal na bubuo na lang ang environment ministry ng isang grupo para hanapin ang buwaya at alisin ang gulong sa leeg niya.

"The contest has been canceled," ayon kay Hasmuni Hasmar, ng Central Sulawesi Natural Resources Conservation Agency. "But we now have back up from the ministry and government experts to help us." — AFP/FRJ, GMA News