Mahigit anim na dekada nang mag-asawa, masasabing buhay na patotoo na mayroong "forever" sa pag-ibig sina Lolo Leonardo at Lola Delia Alvarez.  At dahil makakalimutin na si Lola Delia, laging ipinapaalala sa kaniya ni Lolo Leonardo ang matatamis nilang pinagsamahan.

"Pinagkaloob sa akin ng Panginoon na siya ang aking maging kabiyak. Kaya mahal ko ang aking asawa," sabi ni Lolo Leonardo sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes.

May katagalan na rin ang pinagsamahan nina Lolo Leonardo, 82-anyos, at Lola Delia, 78-anyos, sa hirap at ginhawa.

Nananahi pa rin si Lolo Leonardo hanggang ngayon, ang trabaho niyan nang makilala niya si Lola Delia.

"Nadadaanan niya ako, nananahi. Nakikita ko siya. Nagagandahan ako sa kaniya," kuwento ni Lolo Leonardo na sariwang-sariwa pa rin sa kaniyang alaala.

Pero dahil sa katandaan, maaaring nalilimutan na ni Lola Delia ang mga matatamis nilang pinagsamahan.

Kaya naman laging nakahanda si Lolo Leonardo na ipaalala sa kaniyang asawa ang mga araw na nakalipas.

"Kahit na siya'y medyo mahinang mahina na at may edad na, hindi ko magawang palitan siya bilang asawa dahil may takot ako sa Panginoong Diyos eh. Hindi ko siya maaaring pagtaksilan" sabi pa ni Lolo Leonardo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News