Tatlong kawatan na armado umano ng patalim ang nangholdap ng isang supermarket delivery man sa Hong Kong at tinangay ang nasa 50 pakete ng toilet paper.

Sa ulat ng Reuters, sinabing nadakip din kinalaunan ng pulis ang dalawa sa tatlong suspek at nabawi ang mga toilet paper na nagkakahalaga ng HK$1,700 o halos $220.

Nangyari ang insidente sa panahon na malaki ang pangangailangan ng mga tao sa Hong Kong ng mga toilet paper, cleaning products, at mga pangunahing produkto dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

Katunayan, ilan sa mga tindahan sa Hong Kong ang nagkakaubusan na ng mga paninda, kabilang na ang toilet paper.

Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang isa pang nakatakas na suspek sa pagnanakaw ng mga toilet paper.--FRJ, GMA News