Sa halip na suwertihin, tila minalas ang ilang tumataya sa palarong "Swertres" ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Mindanao matapos silang kumagat sa isang anunsiyo sa radyo. Ang sabi, puwede silang makatanggap ng tatamang numero sa nabanggit na laro kung magiging miyembro ng isang "VIP Group" na may P1,500 fee kada buwan.

Hindi gaya ng ilang palaro sa lotto, marami ang tumataya sa swertres dahil mas malaki ang tiyansang tumama rito dahil tatlong numero lang ang tatayaan. Kapag sinuwerte, ang taya na P10, puwedeng manalo ng hanggang P4,500. Ang P400 naman, maaaring maging P180,000.

Pero sa Ipil, Zamboanga Sibugay, sinabi sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," na may mga mananaya ang nagreklamo tungkol sa nagpapakilala sa radyo na may kapit daw sa PCSO at nagbibigay ng lucky numbers sa swertres.

Para makatanggap daw ng tip na mga numbero,  kailangang maging member sila sa VIP group sa halagang P1,500 kada buwan.

Isa si Aling Luzviminda na sumubok na sa iba't ibang VIP membership at umabot na raw sa P30,000 ang kaniyang naibayad. Pero hanggang ngayon, hindi pa nananalo ang mga natatanggap niyang lucky numbers.

Si Marlou naman, sinisingil ng VIP membership na P50,000. Pero ang ibinigay sa kaniyang winning numbers, hindi rin tumama sa live na results sa TV.

Pinuntahan ng mga nabiktima ang estasyon ng radyo kung saan nila narinig ang nag-aalok ng VIP membership sa swertres. Pero sinabi ni Franco Buctan, may-ari ng estasyon, pinatigil niya ang mga blocktimers nang malamang nagbibigay ang mga ito ng numero sa swertres.

Nang hingan ng panayam ng KMJS, iginiit ng blocktimer sa radyo na hindi siya nanloloko. Pero hindi siya dumating sa napagkasunduang lugar para gagawing panayam.  Hindi rin daw makontak ang numero nito.

Ang PCSO, itinanggi na nagbibigay sila tip at wala raw sinuman sa kanila ang makakaalam ng tatamang numero. Kaya naman hindi raw daw paniwalaan ang mga taong magsasabing alam nila ang mga tatamang numero at mga gumagamit sa pangalan ng mga taga-PCSO. Panoorin ang buong episode sa video na ito.


Click here for more GMA Public Affairs videos:

--FRJ, GMA News