Kung mga toilet paper ang kinulimbat sa Hong Kong, mga surgical mask naman ang pinuntirya ng mga kawatan sa isang ospital sa Japan.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing nasa 6,000 surgical masks na nakalagay sa apat na kahon at nakatago sa storage room ng Japanese Red Cross hospital sa Kobe ang tinangay ng mga kawatan.

"We still have a large number of masks—enough to continue our daily operations at the hospital, but this is so deplorable," pagtiyak ng isang opisyal sa AFP.

Nagsagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad para matukoy ang mga salarin.

Hinihinala nilang ibebenta ng kawatan ang mga kinuhang surgical masks.

Naganap ang pagnanakaw sa harap ng tumataas na pangangailangan sa Japan ng face mask bilang protektsyon sa deadly coronavirus disease o COVID-19.

Kamakailan lang, iniulat naman na tatlong kawatan na armado ng patalim ang nangholdap ng isang supermarket delivery man sa Hong Kong at tinangay ang nasa 50 pakete ng toilet paper na nagkakahalaga ng HK$1,700 o halos $220.

Gaya ng face mask, tumaan din ang pangangailangan sa toilet paper at iba pang hygiene products na panlaban o bahagi ng pag-iingat laban sa COVID-19.

Nahuli naman kinalaunan ang dalawa sa tatlong salarin at nabawi ang mga toilet paper.— AFP/FRJ, GMA News