Hitik sa kasaysayan, nagsilbing takbuhan ng mga sibilyan at mga sugatang sundalo ang Malate Catholic School noong sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung saan naitala rin dito ang isang mass grave. Sa paghukay ng isang team ng archeologists, mahahalagang bagay na maaaring magbalik ng alaala ng kasaysayan.

Sa programang "iJuander," sinabing noong Battle of Manila, nagsara muna ang Malate Catholic School at ginawa itong Remedios Hospital.

Sa paglipas ng panahon, unti unti nang naglaho ang memorial marker ng mga yumao, kaya nagdesisyon ang Amerikanong si Matthew Westfall na ipa-excavate ang mass grave sa paaralan sa tulong ng archeologists mula sa Unibersidad ng Pilipinas.

Bukod sa pagbabalik sa kanilang mga alaala, gusto raw ni Westfall na bigyan ng disenteng libing ang kaniyang tiyuhin na si Nikolai Prokopoff, isang dating Russian military officer na nagtatrabaho sa isang pagawaan ng alak bilang engineer.

Nang maghukay na ang excavation team, hindi inasahang madidiskubre nila ang lapida ng isang mahalagang tao sa kasaysayan, na malaki rin ang naging kontribusyon para sa mga sundalo sa World War 2.

Tunghayan ang iJuander at alamin kung sino ang mahalagang tao na ito. — Jamil Santos/MDM, GMA News