Dalawang linggo makaraang kilalanin ng Guinness World Records bilang pinakamatandang lalaki sa mundo, pumanaw sa edad na 112 ang Japanese na si Chitetsu Watanabe.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing pumanaw si Watanabe nitong nakaraang linggo sa  kaniyang nursing home sa Niigata.

Noong nabubuhay pa, sinabi ni Watanabe na ang sikreto ng kaniyang mahabang buhay ay manatiling nakangiti at huwag magagalit.

Mahilig din daw siya sa matatamis tulad ng ice cream at custard pudding.

Sa pagpanaw ni Watanabe, ang pinakamatandang lalaki ngayon sa Japan ay ang 110-taong-gulang na si Issaku Tomoe, ayon sa Jiji Press.

Nasa Japan din ang kinikilalang pinakamatandang tao sa edad na 117 na si Kane Tanaka.

Ang Japan ang isa sa mga bansa na mayroong mataas ang life expectancy rate.

Noong Enero 2019, pumanaw sa edad na 113 ang kinikilalang world's oldest man na mula pa rin sa Japan na si Masazo Nonaka. Ang dating kinilalang longest-living man na si Jiroemon Kimura ay pumanaw naman noong 2013 sa edad na 116.

Sa tala ng Guinness, edad 122 ang pinakamatandang nabuhay na tao na si Jeanne Louise Calment ng France, na binawian ng buhay noong 1997.-- AFP/FRJ, GMA News