Tinatayang ilang daang bilanggo mula sa apat na piitan sa Brazil ang nakatakas isang araw bago ipatupad ang "lockdown" sa mga kulungan at kanselahin ang day-release program sa mga preso upang hindi makapasok sa mga bilangguan ang coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Sa ulat ng Reuters, sinabi ng mga opisyal sa Sao Paulo state prison, na inaalam pa nila ang kabuuang bilang ng mga nakatakas na bilanggo mula sa Mongaguá, Tremembé, Porto Feliz at Mirandópolis.

Pero sa mga ulat ng local media, posible umanong umabot sa hanggang 1,000 ang mga preso na kapuga. May video rin na lumabas sa socia media na makikita ang pagtatakbuhan ng mga preso palayo sa bilangguan.

Ayon sa Sao Paulo state prison, tutol ang mga bilanggo na nakatatanggap ng "day-release program" na kanselahin ang programa ngayong Semana Santa.

Pero nais ng mga awtoridad na huwag munang payagang makalabas ang nasa 34,000 preso upang hindi sila mahawahan ng virus at madala nila sa loob ng kulungan.

Kailangan daw gawin ang pagkansela sa programa dahil malaki ang tiyansa na kumalat ang virus sa mga bilangguan at makahawa ng mga marami pang nagsisiksikang preso at mga nagbabantay.

Ang "day-release program" ay limang beses ipinatutupad sa loob ng isang taon (kabilang na sa Semana Santa) para sa medium security na bilanggo.

Sa ngayon, mahigit 200 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Brazil.--Reuters/FRJ, GMA News