Sa halip na sumunod sa curfew, nagdahilan ang ilang manginginom na sinita ng mga awtoridad sa Santa Rosa City, Laguna na panlaban daw sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang alak bilang alcohol. Ang isa pang dinakip na lasing, pinagmumura pa ang pulisya.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras," sinabing nangyari nasakote ng mga awtoridad ang mga tomador nang mag-ikot nitong madaling araw ng Huwebes.

"Alam n'yo naman na may curfew di ba? Nag-iingat ang lahat tapos kayo nag-iinom?" sabi ng isang pulis sa mga sinitang manginginom.

"Panglaban 'yan sir," katwiran naman ng sinita.

"Kapag 'di kayo sumunod, aarestuhin ko kayo, Article 151, resistance and disobedience to persons in authority!" paalala ng awtoridad.

Dinakip naman ang isang lalaki dahil sa kalasingan at pagmamatigas sa mga pulis sa Barangay Sto. Domingo.

Sa halip na humingi ng pasensiya, pinagmumura niya ang mga tanod na umaresto sa kaniya at kinuhanan pa niya sila ng video para mai-post daw niya sa social media.

"Huwag na huwag mong mumurahin ang mga pulis ko at tsaka barangay tanod dahil ginagawa namin ang trabaho namin. Kami, pinapatupad namin ang batas para ingatan kayo. Ikaw mumurahin mo lang kami?" sermon ni Police Lieutenant Colonel Eugene Junsay Orate, Chief of Police, Sta Rosa sa lalaking lasing.

Nang mahimasmasan ang lalaki, sinabi nito na nagsisisi siya sa kaniyang ginawa.

Samantala, sinalubong din ang mga sundalo at pulis na nagmamando ng checkpoint sa Susana Heights sa South Luzon Expressway ng init ulo ng mga motorista sa ikatlong araw ng pagpapatupad ng enhanced quarantine.

Isa na rito ang isang SUV, na pinaliwanagan ng pulis na hindi siya maaaring padaanin dahil wala siyang kaukulang dokumento.

Pero ilang saglit pa, tumaas ang tensyon at humarurot palayo ng checkpoint ang sasakyan.

Hinabol siya ng Highway Patrol Group, inabutan at ibinalik sa tinakasan niyang checkpoint, at kinausap ng ground commander.

"May darating kaming karne. Kung gusto niyong sumama kayo sa akin bibigyan ko pa kayo ng karne eh," sabi ng driver.

"Nagkamali ako. Humihingi na ako ng ticket sa kanila sa lisensya ko. Tatanungin ko na lang kung saan tutubusin," dagdag ng driver.

Dinala kalaunan sa presinto ang motorista para matiketan.

Hindi rin pinalusot ang isang coaster na puno ng Chinese nationals na nagtatrabaho sa isang POGO company.

Napilitan na lang itong mag-u-turn matapos magtangkang pumasok sa Muntinlupa.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News