Bukod sa mga health care service worker, itinuturing frontliner din sa panahong ngayon ng laban sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 ang mga nasa essential services o mga mahahalagang serbisyo. Ang isang rider ng GrabFood, sinabing mas takot siya sa kaniyang misis kaysa sa virus.

Sa ulat ni  Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing habang marami ang nasa bahay lang dahil sa umiiral na cummunity quarantine, patuloy naman sa kani-kanilang trabaho ang mga manggagawang nasa essential services o mga mahahalagang serbisyo para matugunan ang pangangailangan ng mga tao.

Kabilang sa kanila ang mga rider o naghahatid ng mga inorder na pagkain ng mga taong hindi makalabas ng bahay.

Ikinatutuwa nila na in-demand ang kanilang serbisyo ngayon at nais nilang samantalahin ito para na rin madagdagan ang kanilang kita.

"Sinasamtala po namin yung lakas ng biyahe," sabi ng GrabFood rider na si Gummy Leonardo.

Nang tanungin kung hindi ba siya natatakot sa kaligtasan o baka mahawahan ng virus, pabiro niyang tugon, "Hindi ho. Mas takot ako sa misis ko kaysa sa COVID. Kapag wala ka hong inuwing pera maingay."

Ang isang botika naman, tuloy din sa pagseserbisyo ng mga pharmacist, guwardiya at mga nahahatid ng medical supply.

Kailangan daw nilang gawin pa rin ang kanilang trabaho dahil maraming tao ang nangangailangan ng gamot.

May ilang nagtitinda rin sa bangketa ng Divisoria ang hindi rin alintana ang banta ng virus, at nagbabakasakaling kumita para mayroon umanong pambili ng kanilang makakain.

Sa tala ng Department of Health ngayong Miyerkules, umabot na sa 636 ang positibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, at 38 pasyente na ang pumanaw. --FRJ, GMA News