Dahil dumadami ang kaso ng COVID-19 sa New York, USA, handang tumulong sa mga frontliner na health workers ang mga duktor na nagsasagawa doon ng "pagreretoke" o plastic surgeon.

Dahil tigil muna ang kanilang operasyon, inihayag ng plastic surgeon na si Dr. Douglas Senderoff  sa Park Avenue, na nais nilang tumulong sa kanilang mga kasamahan na nasa front line sa paglaban sa virus sa mga ospital, ayon sa ulat ng Reuters.

“We’re sitting on the sidelines right now,” sabi ni Senderoff, na nagsasagawa ng tummy tucks at liposuction. “But we’re a resource. We all have general surgery experience. We have ICU experience. There’s hundreds of us just sitting around, waiting for the call.”

Bukod sa kaniyang karanasan, mayroon din siyang office anesthesia machine na maaaring i-converted na ventilator, na kailangan ng mga pasyenteng huminga dahil sa epekto ng virus sa baga.

Dahil sa dami  ng pasyenteng tinatamaan ng COVID-19, kinukulang na rin ang ilang kagamitan sa mga ospital tulad ng ventilator. Ang New York, ang itinuturing epicenter ngayon ng virus outbreak sa Amerika.

Miyembro ng American Society of Plastic Surgeons si Senderoff, na inialok ang kaniyang mga kagamitan pa sa magamit sa paggamot sa COVID-19 patient. Nagparehistro rin siya bilang medical reserve corps, ang volunteer health workers na handang umayuda sa panahon ng emergency tulad ng coronavirus.

Naglunsad naman ang plastic surgeons society ng online clearinghouse para sa mga kagamitan na kailangan sa mga ospital.

Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Adam Ross, nakatanggap na sila ng 150 na alok na donasyon na kinabibilangan ng 40 ventilator. --Reuters/FRJ, GMA News