Kalaboso at nahaharap sa reklamo ang isang lalaki sa California na nangangalap umano ng mga mamumuhunan sa naimbento niyang gamot para hindi dapuan ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 ang isang tao. Siya ang unang tao sa US na kinasuhan kaugnay sa kumakalat na virus sa mundo.

Sa ulat ng Reuters, kinilala ang lalaking kinasuhan ng U.S. Justice Department na si Keith Lawrence Middlebrook, 53-anyos, mula sa Southern California.

Inireklamo siya ng U.S. Attorney’s Office sa Los Angeles ng "one count of attempted wire fraud."

Sa pahayag ng Justice Department, sinasabi umano ni Middlebrook na nakagawa siya ng "patent-pending cure" o gamot para maiwasan na hindi mahawa ng virus.

Naglabas pa umano ng video ang suspek sa kaniyang Instagram account na nagpapakita ng naimbento raw niyang gamot. Umabot sa dalawang milyon ang views ng naturang video.

“Yes I have developed the cure for coronavirus COVID-19,” saad umano ng suspek sa inilabas na pahayag ng US Justice Dept. “After 6 weeks of intense focus and development (and very little sleep). I am currently going into mass production.”

Dinakip si Middlebrook matapos na magpanggap ang isang undercover agent na magpapasok ng puhunan sa kaniyang kumpanya, na kabilang daw sa board member ang dating Los Angeles basketball star na si Earvin “Magic” Johnson.

Ayon sa tagapagsalita ng U.S. Attorney’s Office for the Central District of California, wala pang abogado si Middlebrook at nakatakdang humarap sa federal court sa Huwebes.

Una rito, naglabas ng direktiba si Attorney General William Barr sa lahat ng U.S. Attorney offices na bigyan ng prayoridad ang mga manloloko at magsasamantala gamit ang coronavirus. Kabilang dito ang mga pekeng gamot, investment schemes at Medicare fraud.--Reuters/FRJ, GMA News