Para mabisita sa ospital ang misis na bagong panganak, nagpanggap na walang nararamdamang sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang mister sa Rochester, New York. Natuklasan lang ang ginawa niyang paglilihim nang ang misis na niya ang magpakita ng sintomas ng virus.

Iniulat ng online news na DemocratandChronicle nitong Martes, na nangyari ang insidente sa Strong Memorial Hospital. Inabisuhan na umano ng pagamutan ang kanilang maternity staffs sa nangyaring insidente upang mabantayan ang kanilang sarili kung may nararamdamang sintomas ng COVID-19.

“The mother became symptomatic shortly after delivering. That’s when the significant other admitted his potential exposure and that he was feeling symptomatic,” pahayag ni Chip Partner, tagapagsalita ng University of Rochester Medical Center, na kinabibilangan ng Strong Memorial, ayon sa ulat.

Dahil sa kanilang privacy laws, hindi binanggit kung positibo sa virus ang mag-asawa, maging ang bagong silang nilang anak.

Hindi na rin nagbigay ng pahayag si Partner kung ano ang dahilan ng ama sa ginawang pagsisinungaling nang magtungo sa ospital.

Nagpatupad na ng bagong patakaran ang pagamutan sa pagpapasok ng mga dalaw sa kanilang pagamutan. Pinayagan din ang maternity staffs na patuloy na magtrabaho basta wala silang nararamdamang sakit, laging magsuot ng surgical mask, at kinukunan ng temperature sa bawat shift.

Binigyang-diin nila ang kahalagahan na maging tapat sa pagbibigay ng impormasyon ang mga tao tungkol sa kanilang kalusugan at kung may exposure sa taong may COVID-19.--FRJ, GMA News