Dahil sa banta ng COVID-19, nakararanas  ng maayos na tuluyan ang ilang "homeless" o mga tao na sa kalye na nakatira sa San Francisco, USA dahil dadalhin sila sa mga bakanteng hotel para maiwasan pa ang pagkalat ng virus.

Sa ulat ng Reuters, sinabing sa mga hotel na idineklarang quarantine facility ang mga homeless na hindi na makakauwi sa kanilang mga kamag-anak at mga maaaring may banta na posibleng magdala sila ng virus.

Tinatayang nasa 10,000 homeless people umano ang kailangang alisin sa kalye o mga barung-barong sa San Francisco. Samantalang nasa 4,500 kuwarto naman ng mga hotel ang inilaan para sa mga palaboy na walang uuwian o sa mga kailangang mag-self quarantine.

Bukod dito, mayroon pa umanong 19,000 katao na peligroso ring magkahawahan sa virus dahil naninirahan sila sa mga single-room occupancy (SRO) building na nagsasalo sa mga kusina at banyo kaya imposibleng mag self-isolate ang taong tatamaan ng virus.

Hanggang noong Marso 25, nasa 160 katao na umano ang nagpositibo sa COVID-19, ayon sa isang opisyal ng lungsod.

“The hospitals will not discharge them to the street,” sabi ni Trent Rhorer, executive director ng Human Services Agency. “They’ll only discharge people who are able to self-quarantine.”

Nais ng ilang mambabatas na itaas sa 14,000 ang ilalaang kuwarto para sa mga walang tirahan at mga nakatira sa SRO building.

Ayon kay Kevin Carroll, president and chief executive ng Hotel Council of San Francisco,  nasa 60 porsiyento ng 50 hotel sa lungsod ang pumayag sa programa na patuluyin sa kanilang establisimyento ang mga walang tirahan at mga first responder.

Kabilang sa mga tinalakay ng hotel industry sa mga lider ng lungsod ay kung papaano titira sa mga kuwarto ang mga homeless, at papano kung magkaroon ng pinsala sa kanilang gusali.

Dahil na rin sa pinaiiral na stay-at-home orders, maraming hotel sa lungsod ang wala nang laman.

Nagsasagawa na umano ng pagsasanay at nagbibigay ng protective gear ang lungsod sa mga maglilinis sa mga hotel.--Reuters/FRJ, GMA News