Arestado ang isang babae sa California matapos umano niyang dilaan ang $1,800 halaga ng mga grocery at iba pang bilihin sa isang supermarket.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ni Chris Fiore, tagapagsalita ng South Lake Tahoe police department, na pinuntahan ng mga awtoridad ang isang Safeway supermarket nitong Martes matapos silang makatanggap ng ulat na may isang customer na dinidilaan ang mga grocery, sa gitna ng mga pangamba dahil sa pagkalat ng nakahahawang novel coronavirus.

"When officers arrived on the scene, a Safeway employee informed them that the suspect put numerous pieces of jewelry from the store on her hands," sabi ni Fiore.

"The suspect licked the jewelry then began to load her cart with merchandise from the store," dagdag ng opisyal.

Kinilala ang suspek na si Jennifer Walker, 53-anyos, na nakita ng pulisya sa supermarket na may dalang shopping cart na puno ng mga item, kabilang ang karne at alak, pero wala naman siyang kakayahan na bilhin ang mga ito.

Dinakip si Walker para sa felony vandalism, samantalang kailangang sirain ang mga produkto na kaniyang dinilaan dahil sa takot na posibleng may contamination ito. --Jamil Santos/KBK, GMA News