Tuloy sa hanapbuhay sa panggugupit ang isang barbero sa Jakarta, Indonesia bilang pasasalamat na rin daw sa mga health worker. At para maging ligtas sa COVID-19, nakaisip siya ng paraan para maprotaktahan ang sarili sa virus.

Sa ulat ng Reuters, ipinakita ang 40-anyos na barberong si Herman Maulanasyah, ng Bogor, Jakarta, na suot ang kaniyang handmade protective gear habang nanggugupit.

 


 

Pero hiling ni Maulanasyah, huwag siyang husgahan sa kaniyang kasuotan na kinabibilangan ng plastic na ginawa niyang tila hazmat, ski mask, face shield, at gloves.

"Please don't judge, I'm not making it for fun or to look ridiculous, this is how I show my appreciation to the health workers," sabi ni Maulanasyah na 15 taon nang barbero.

 

 

Bago manggupit, iniisprayan muna niya ang sarili at kostumer ng sanitizer bilang dagdag na pag-iingat.

"This is to protect myself because I have a family, my child and wife, therefore I need to ensure my safety at work because I don't know whether the people who come here are infected or not," paliwanag niya.

 


Matindi na rin ang ginagawang pag-iingat ng Indonesia laban sa virus dahil halos 3,000 na ang positibong kaso sa kanila ng COVID-19, at nasa 240 na ang pumanaw.

Kabilang sa mga nasawi ang nasa 24 na duktor na nahawahan ng virus. (Ang mga larawan ay screengrab sa Reuters video)--FRJ, GMA News