Habang marami ang nagrereklamo na hindi sila kasama sa listahan ng mga makatatanggap ng perang ayuda sa social amelioration program (SAP), mayroon namang dalawang residente sa Bacoor, Cavite na pilit na ipinapalista pero sila naman ang todo-tanggi. Ang dahilan, mga wanted pala.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News' "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nagtaka raw ang mga opisyal ng isang barangay sa Bacoor kung bakit mayroong dalawang residente na tumatanggi sa biyayang inasam-asam ng marami.

Nang magsagawa ng beripikasyon ang pulisya, napag-alamang mga pinaghahanap pala ng batas ang dalawa na nahaharap sa mabigat na kaso.

"Binibigyan na natin ng tulong so kami sa barangay nagtaka bakit ganiyan 'yong attitude at pati mga kapitbahay, nagtataka rin. Kaya 'tong mga bagay na 'to pinaparating namin sa PNP," ayon kay Reynaldo Palabrica, chairman ng Queen's Row Central.

Ang suspek na si Ricky Enot, natuklasan na wanted para sa kasong murder, samantalang si Armando Elka ay may standing warrant dahil sa kasong attempted homicide.

Matagal na raw umanong pinaghahanap sina Enot at Elka, ayon sa pulisya.

Nahuli ang dalawa sa isang operasyong ikinasa ng Bacoor PNP kamakailan lang.

Mula raw ipatupad ang enhanced community quarantine sa lungsod, umabot na umano sa 18 wanted persons ang naaresto ng Bacoor PNP.

"'Yon pa may nahuli tayong dalawa diyan regional level, pitong city level at tsaka isang provincial level. Mabibigat ang mga kasong ito, 'yong iba diyan murder, may rape ang kaso diyan," sabi ni Bacoor police chief Police Lieutenant Colonel Vicente Cabatingan.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News