Nahuhumaling ngayon sa miniature painting ang isang estudyanteng pintor sa Binmaley, Pangasinan. Ang ilan sa kaniyang ipinipinta, may laking dalawang pulgada lang at Van Gogh-inspired ang tema.

Sa ulat ni Joan Punsoy sa GMA-Regional TV "Balitang Amianan," sinabing nagkaroon ng pagkakataon ang 20-anyos na si Kahrem Melchor ng Barangay Lumboy, na paghusayin pa ang kaniyang talento sa pagguhit nang ipinatupad na community quarantine dahil sa COVID-19.

Kabilang sa pinag-ukulan niya ng pansin ang miniature painting na ang nagagawa niyang pinakamaliit na obra ay may sukat lang na dalawang pulgada.

Nakagagawa rin siya ng lalaking obra na may sukat na 20 x 16 inches, at small size na 10 by 8 inches na acrylic painting.

Gamit ang water color, sinusubukan ngayon ni Kahrem ang mga large-size na miniature art na 6 x 4.5 inches hanggang sa pinakamaliit na 2 x 3 inches.

"Noong enhanced community quarantine mas nahasa ko po 'yung talento ko sa pagpe-paint at paggawa ng arts," anang estudyante.

Nature and human ang tema ng kaniyang mga obra mula na inspired ng kilalang Dutch painter na si Vincent van Gogh. Kabilang dito ang Starry Night, Almond Blossom, The Bedroom at Vase with Fifteen Sunflowers.

Inaabot umano si Kahrem ng tatlong oras bago niya matapos ang pagpinta ng maliliit na sukat dahil kailangang detalyado ang kaniyang obra. Limang oras naman ang inaabot niya sa regular na sukat.

"Nagustuhan ko ang pag-paint ng maliliit na arts kasi po para naman po maiba at para maipakita ko po na hindi lang puro malalaki 'yung mga painting na nakikita lang ng ibang tao," sabi ni Kahrem.

Nag-uumpisa na rin daw ang estudyante na magpinta ng mga disenyo sa mga bag.

"Sa ngayon po itong mga ginawa ko hindi ko pa po binebenta pero may balak po ako ibenta talaga," saad niya. --Jamil Santos/FRJ, GMA News