Kung kailan pa naman kailangang-kailangan ang internet para sa mga naka-work from home setup at online classes, saka pa nawalan ng internet ang nasa 11,000 subscribers sa Mabalacat, Pampanga matapos na may pumutol sa kable ng isang internet service provider.

Sa ulat ng GMA News "Quick Response Team" nitong Miyerkules, sinabing gumamit pa ng hagdan ang hindi pa nakikilalang salarin na pumutol sa kable ng Converge na nasa poste.

May iba pang kable sa lugar pero tanging ang linya umano ng Converge ang pinutol.

Dahil sa insidente, marami umanong subscriber ang naabala sa paggamit ng internet.

Sinabi naman ng Converge na naibalik naman nila ang kanilang internet service sa lugar matapos ang ilang oras.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.--FRJ, GMA News