Kayang-kaya ng isang bulag na senior citizen sa lalawigan ng Bohol ang paggawa ng mga gawaing bukid para sa kaniyang pamilya.

Kinilala ng "Unang Balita" nitong Biyernes ang 60-anyos na lalaki na si Beng Narisma.

Ayon sa ulat, kayang-kaya ni Mang Beng na gampanan ang kaniyang mga gawain sa bukid gaya ng pag-akyat ng niyog upang gumawa ng tuba na kanyang ikinabubuhay. Kaya rin niyang umakyat ng bundok kahit na wala siyang kasama.

Makikita rin sa video na kayang-kaya ni Mang Beng na magsibak kahoy na panggatong.

Kuwento ni Mang Beng, 7-anyos pa lamang siya nung mabulag dahil sa sakit na tigdas

Sa kabila nito, nakapag-asawa pa rin siya at nagkaroon sila ng apat na anak.

Kinakaya raw niya ang lahat para sa kanyang pamilya. —LBG, GMA News